Pinatay na si Vice Mayor Lubigan, wala sa narco list – PNP
Wala sa narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte si Trece Martirez, Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan na tinambangan at pinatay, araw ng Sabado (July 7).
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Senior Supt. Benigno Durana Jr., tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na dynamic ang narco list at maaring mabago pa naman.
Sa ngayon aniya, ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang may hawak ng narco list.
“Ayon din po sa mga report na natanggan namin, hindi siya kasama sa narco list, kung hindi ako nagkakamali. Pero alam mo ang narco list, very dynamic at ang nakakaalam po nun, kami ang nag-contribute lang ng pwersa, ang Philippine National Police (PNP). Ang listahan talaga sa kataas-taasang pamahalaan kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG),” ayon kay Durana.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pulitika ang maaring motibo sa pagpaslang kay Lubigan.
Ayon kay Durana, lalawakan pa ng PNP ang imbestigasyon para matukoy ang tunay na motibo at kung sino ang nasa likod ng pagpatay kay Lubigan.
Dagdag pa ni Durana, dahil palapit na ang panahon ng eleksyon, asahan nang iinit pa ang labanan sa pulitika.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.