Matataas na opisyal ng PNP na sangkot sa pagkawala ng AK47 firearms, kakasuhan ng Ombudsman
Inaprubahan na ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso sa mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pagkawala ng 1,004 na high-powered AK47 firearms na umano ay ibinenta sa New People’s Army (NPA).
Kabilang sa pinakakasuhan ng graft ng Omdbusman ang nasibak na si Chief Superintendent Raul Petrasanta at labing apat na iba pa, kabilang na ang ilang pribadong indbidwal.
Sa 39 na pahinang kautusan, si Petrasanta at si P/Dir. Napoleon Estilles ng Firearms and Explosives Office (FEO) ay pinasasampahan ng multiple counts ng paglabag sa Sections 3(e) at 3(j) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ang iba pang sasampahan ng kasi ay sina P/Dir. Gil Meneses of the Civil Security Group, P/CSupt. Tomas Rentoy III, P/CSupt. Regino Catiis, P/SSupt. Eduardo Acierto, P/SSupt. Allan Parreño, P/Supt. Nelson Bautista, P/CInsp. Ricardo Zapata, Jr., P/CInsp Ricky Sumalde, SPO1 Eric Tan, SPO1 Randy De Sesto, gayundin sina Non-uniformed Personnel (NUP) Nora Pirote at Sol Bargan, at Isidro Lozada ng Caraga Security Agency (Caraga).
Inaprubahan umano nina Petrasanta at Estilles ang firearms licenses applications ng Caraga, Isla Security Agency (Isla), Claver Mineral Development Corporation at JTC Mineral Mining Corporation kahit palsipikado ang aplikasyon at supporting documents na isinumite ng mga ito.
Ayon sa Ombudsman agad ding nairelease ang mga armas sa nasabing mga grupo kahit na ang requests para sa ‘withdrawal from storage’ ng mga armas ay hindi pirmado.
Sinabi ng Ombudsman na inisyuhan ng firearms licenses ang Caraga Security Agency kahit paso na ang license to operate nito.
Naiproseso din umano ang aplikasyon ng nasabing security agency kahit hindi na-verify ang bilang ng armas na nai-isyu na noon dito.
Hindi rin na-verify ang identity at kakayahan ng Isla na bumili ng mga high-powered firearms.
Sa isisinagawang imbestigasyon noon ng PNP Criminal Investigation and Detection Group ang mga serial numbers ng licensed AK47s na inisyu ng mga akusado sa mga security agencies at mining company at tumugma sa serial numbers ng mga armas na narecover sa mga engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at NPA sa Caraga at Western Mindanao regions.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.