Hinihintay pa rin ng pamilya Halili ang pagpunta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa burol ni Tanuan, Batangas Mayor Antonio Halili.
Ayon kay Angeline Halili, anak ng alkalde, umaasa silang makakadalaw si Duterte sa burol ng yumaong ama.
Gayunman, nakatakda nang ilibing si Halili mamayang hapon pero wala pang abiso kung makakatungo ba ang presidente sa burol ng mayor.
Batay sa schedule ng presidente, siya ay nasa Davao City at dumalo sa inagurasyon ng Malayan Colleges Mindanao kahapon.
Muli namang umapela ang pamilya Halili kay Duterte na linisin ang pangalan ng mayor at bigyan ng hustisya ang pagkasawi nito.
Si Halili ay binaril noong July 2, sa kasagsagan ng flag ceremony sa city hall.
Naging kontrobersyal si Halili dahil sa “shame campaign” nito, at naugnay din sa ilegal na droga makaraang mapasama sa narco-list ni Duterte.