Typhoon Maria, posible pa ring maging ‘Super Typhoon’
Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na may international name na ‘Maria’.
Sa pinakahuling weather update ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,960 kilometro Silangan ng Central Luzon.
Taglay ng sama ng panahon ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 225 kilometro kada oras.
Kumikilos ito pa Hilaga-Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras at inaasahang papasok sa PAR bukas, araw ng Lunes, at papangalanang ‘Gardo’.
Sinabi ng PAGASA na may tyansa pa ring maging isang Super Typhoon ang sama ng panahon dahil ito ay nasa katubigan pa.
Ikinokonsidera ng weather bureau ang isang bagyo bilang Super Typhoon kapag taglay na nito ang hanging aabot sa 220 kilometers kada oras.
Sa ngayon ay patuloy na makakaapekto ang habagat sa western sections ng Central at Southern Luzon kabilang na ang Metro Manila at maging ang Western Visayas.
Inaasahan ang maulap na kalangitan na may pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa mga naturang lugar.
Sa pagpasok ng bagyong Maria sa PAR ay inaasahang hahatakin nito ang habagat na magdadala ng pag-ulan sa western sections ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.