Malacañang, kinundena ang pananambang kay Trece Martires Vice Mayor Lubigan

Courtesy: Alex Lubigan Facebook

Nagpahayag ng pagkondena ang Malacañang sa pananambang at pagpatay kay Trece Martires Vice Mayor Alexander Lubigan ngayong hapon ng Sabado.

Sinabi ito ni Presidential spokesman Harry Roque sa isang pahayag kasabay ng pagpaparating ng pakikiramay sa pamilya at mga kaibigan ni Lubigan.

Kaugnay nito, inatasan ng Malacañang ang liderato ng Philippine National Police na magsagawa ng malalim at patas na imbestigasyon at gawin ang lahat para malaman ang puno’t dulo ng pamamaslang kay Lubigan.

Nanawagan din ito para sa pagkakaisa para matigil na ang mga insidente ng karahasan laban sa lokal na pulitiko.

Si Lubigan ay pauwi sakay ng Toyota Hilux kasama ang driver at bodyguard nito nang tambangan ito ng hindi nakilalang suspek na sakay ng isang Mitsubishi Montero sa harapan ng isang ospital sa Trece-Indang Road.

Nasawi dito si Lubigan at driver nito habang sugatan naman ang bodyguard.

Ito na ang ikatlong insidente ng pamamaslang sa mga lokal na opisyal ngayong linggo.

Read more...