Humihirit ng dagdag sahod ang labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU) matapos ang dagdag na P1 pamasahe sa jeep.
Ayon sa KMU, dapat nang itaas sa P750 kada araw ang minimum wage.
Sinabi ng KMU na ang pag-apruba sa jeepney fare hike ay malinaw na ipinapasa ng gobyerno sa mga commuter ang pasanin na idinudulot ng mataas na halaga ng langis dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Ani KMU chair Bong Labog kung tutuusin hindi naman makatutulong sa mga tsuper ng jeep ang pisong dagdag pamasahe.
Aniya kulang na kulang ito para maipambili ng makakain, mapag-aral ang mga anak sa paaralan, maipambayad sa renta sa bahay at iba pang bayarin.
Sa halip na itaas ang pamasahe, dapat aniyang ibasura na ang TRAIN law at aprubahan ang P750 na minimum wage sa buong bansa.
Magugunitang epektibo ngayong Biyernes, July 6 ang P1 dagdag sa minimum na pamasahe sa jeep.