Mahigit 30,000 na lumalabag sa local ordinances ang hinuli sa NCR
Umabot na sa mahigit 30,000 na pawang lumabag sa local ordinances sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila ang hinuli ng PNP.
Sa datos mula kay National Capital Region Police Office director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, 32,803 ang hinuli sa National Capital Region mula alas 5:00 ng umaga ng June 13 hanggang alas 5:00 ng umaga ng July 6, 2018.
Sa nasabing bilang, 19,091 o 58.20 percent ng mga lumabag ay winarningan lamang, 9,237 o 28.16 percent ang pinatawan ng multa, at 4,475 o 13.64 percent ang tuluyang kinasuhan.
Sa ngayon, 26 na lamang ang nananatili sa kostodiya ng pulisya, 24 ang nasa Southern Police District (SPD) at 2 ang nasa Quezon City Police District (QCPD).
Pinakamalaking bilang ng mga nahuli ay dahil sa paglabag sa umiiral na smoking ban na umabot sa 10,020. Sinundan ng mga memor de edad na lumabag sa curfew na umabot sa 5,578 at ang mga nahuling half-naked o walang suot na damit pang-itaas na 4,951.
May mga nahuli ding umiinom sa pampublikong lugar na umabot sa 4,544.
Ayon sa NCRPO, pinakaraming huli ang Eastern Police District – 13,851; sinundan ng SPD – 6,726; QCPD – 4,779; Manila Police District – 4,135; at Northern Police District – 3,312.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.