Apat na dayuhan ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa magkakahiwalay na mga operasyon sa Baguio City; Biñan, Laguna; at Maynila.
Isinagawa ang pagdakip sa bisa ng mga mission order na inisyu ni BI Commissioner Jaime Morente.
Kasama sa naaresto ay ang Korean national na si Jin Jaehyung, 48 taong gulang, na overstaying na sa Pilipinas at isa ring undocumented alien.
Nadakip si Jin sa lungsod ng Baguio noong June 28, at batay sa pananaliksik ng BI, ang dayuhan ay wanted pala sa South Korea dahil sa kasong fraud.
Noong Martes, inaresto naman ng BI ang Japanese national na si Akitoshi Kadobayashi sa loob ng kanyang tanggapan sa Laguna Technopark Economic Zone sa Biñan City, Laguna.
Nagtatrabaho umano si Kadobayashi sa Pilipinas bilang sales manager mula pa noong 2017, pero wala umano siyang kaukulang permit at visa.
Noon ding Martes, naaresto naman sa Maynila ang dalawang Chinese nationals na sina Li Yan Yan at Lin Feng Jian habang nagtatrabaho sa isang tindahan nang wala ring work permit.
Hindi rin naiprisinta ng dalawang Chinese ang kanilang pasaporte at iba pang immigration documents.
Dinala na ang apat na mga dayuhan sa BI detention facility sa Bicutan, Taguig City at sila ay nakatakdang sumailalim sa deportation proceedings.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.