JBC binigyan ng kopya ng reklamo laban kay Midas Marquez na inihain sa Ombudsman
Bagaman napasama na sa shortlist ng mga pagpipilian bilang susunod na Associate Justice ng Korte Suprema, muling dumulog sa Judicial and Bar Council (JBC) ang gender equality advocate na si Rizza Joy Laurea.
Ito ay para magsumite ng kopya ng inihain niyang reklamo sa Tanggapan ng Ombudsman laban kay Court Administrator Jose Midas Marquez.
Nauna nang naghain si Laurea ng reklamo sa Ombudsman laban kay Marquez dahil sa umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng proyekto sa hudikatura na pinondohan ng pautang mula sa World Bank.
Si Marquez ay kandidato sa posisyong babakantehin ni Associate Justice Presbitero Velasco sa August 8.
Pero sa kanyang tugon sa JBC sa “vehement opposition” ni Laurea, nilinaw ni Marquez na wala siyang naging papel sa mga proyekto na pinondohan ng World Bank dahil ang panganagsiwa nito ay nasa ilalim ng Project Management Office na ang dating hepe ay ang kasalukuyang Sandiganbayan Justice na si Geraldine Faith Econg.
Hindi rin umano siya kailanman naging sentro o laman ng alinmang imbestigasyon kaugnay sa World Bank loan.
Sa ilalim din ng Article 8 ng 1987 Constitution, ang administrative supervision at ang kapangyarihan na magdisiplina sa mga opisyal at empleyado ng hudikatura ay nasa ilalim ng Korte Suprema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.