
FILE PHOTO
Kalaboso ang dalawang tulak ng iligal na droga matapos magkasa ng buy bust operation ang pinagsanib-pwersang Northern Police District – District Drug Enfocement Unit (NPD-DDEU) at Station Drug Enforcement Team ng Manila Police District (MPD-SDET) Station 2 sa Jose Abad Santos Extension, Tondo, Maynila.
Nakilala ang mga suspek na sina Crisanto Gulapa, 32 taong gulang, at Rodrigo Anselmo Jr., 28 taong gulang.
Narekober mula sa dalawa ang 1.37 kilo ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P15,300 at timbangan.
Ayon sa mga otoridad, nalaman nila ang tungkol sa operasyon ng dalawa matapos dumulog ang isang informant tungkol sa online transaction ng mga suspek.
Napag-alamang mayroon silang group chat kung saan nagaganap ang transaksyon ng marijuana. Pawang mga mag-aaral ang parokyano ng mga suspek.
Dagdag ng mga otoridad, nadadalas na ngayon ang online transaction sa iligal na droga dahil hindi ito madaling ma-trace ng mga pulis.
Mahaharap sina Gulapa at Anselmo sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, nagkakasa na ng followup operation ang mga pulis para sa ikadarakip ng iba pang mga kasamang tulak ng dalawang suspek.