Lacson: Gobyerno nasa likod ng pagpatay ayon sa pamilya Halili
Sinabi ni Sen. Ping Lacson na may kaugnayan ang pamahalaan sa pagpatay kay Tanuan City Mayor Antonio Halili ayon sa mga kaanak ng napatay na opisyal.
Kahapon ay personal na dumalaw si Lacson sa burol ni Halili sa kanilang bahay sa Tanuan City kung saan ay nakausap niya ang mga kaanak nito.
Sa regular forum sa Senado kanina ay sinabi ni Lacson na may pangamba ang mga kaanak ni Halili na ibinahagi sa kanya ang kanilang hinala na posibleng mga tauhan rin ng pamahalaan ang nasa likod ng pamamaril sa alkalde.
Pero pinayuhan umano ni Lacson ang pamilya Halili na hintayin muna ang resulta ng ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad bago maglabas ng anumang pahayag sa kaso.
Bago ang pamamaslang noong Lunes, nakakuha umano ng impormasyon ang napaslang na alkalde na siya’y under surveillance ng ilang grupo.
Meron din umano silang napansin na dalawang sasakyan na peke ang mga plate number ang sumusunod sa convoy ng napatay na mayor.
Bilang dating hepe ng Philippine National Police, inamin ni Lacson na isa sa mga gawain ng mga pulis ay ang pag-surveillance sa kanilang mga suspected criminals.
Kaugnay nito ay hinamon ni Lacson ang liderato ng PNP at National Bureau of Investigation na laliman pa ang imbestigasyon para matumbok ang mga nasa likod ng pamamaslang kay Halili.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.