Tatlo pa ang kumpirmadong nasawi sa South Korea dahil sa Middle East Respiratory Syndrome – Coronavirus o MERS-COV.
Sa report ng Korean Herald, umabot na ngayon sa 23 ang death toll sa South Korea dahil sa MERS-COV.
Ayon sa Ministry of Health and Welfare (MHW), dalawa sa tatlong panibagong nasawi ay nasa 60 anyos at mayroon ng existing na sakit gaya ng tuberculosis at high blood pressure na lumala pa dahil sa MERS-COV.
Ang isa pang nasawi ay 82 anyos na babae na nahawa sa isang pasyente sa Ospital.
Sinabi ng MHW, 91 percent ng mga MERS-related deaths na naitala ay pawang mga indibidwal na mayroon nang health problems ng dapuan ng sakit.
Maliban sa tatlong nadagdag sa bilang ng nasawi, mayroon ding tatlong kumpirmadong bagong kaso. Dahil dito, umakyat na sa 165 ang bilang ng mga nagpositibo sa MERS-COV sa South Korea.
Ayon sa Pamahalaan, lahat ng insidente ng pagkahawa sa nasabing sakit ay naganap sa mga pagamutan kaya wala umanong dahilan para mangamba ang kanilang mamamayan.
Sa pahayag ng World Health Organization, kinumpirma nitong wala pang naitatalang community transmission ng MERS-COV sa South Korea./ Dona-Dominguez Cargullo