Inflation rate sa buwan ng Hunyo, sumipa sa 5.2%
Patuloy ang pagbilis ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin sa loob ng anim na buwan.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, nasa 5.2% ang inflation rate sa bansa sa buwan ng Hunyo.
Mas mataas ito sa 4.8% na forecast ng economists sa ginawang survey ng Reuters, sa 5.1% forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas at sa 4.9% forecast ng Department of Finance.
Sinabi ng PSA na bunsod ito ng 6.1% na pagsipa sa presyo ng mga pagkain at non-alcoholic drinks. Maliban dito, tumaas din ang presyo ng alcoholic drinks, tabako, tubig, kuryente at produktong petrolyo.
Ipinahayag naman ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Nestor Espenilla na nakadidismaya na mas mataas ito sa inasahan nilang inflation rate para sa Hunyo.
Sinabi ni Espenilla na bubusisiin nila ang sitwasyon. Tiniyak niya na gagawin ng BSP ang makakaya nito para maibalik ang inflation sa target nitong 2% hanggang 4% sa lalong madaling panahon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.