Kumpanya ni Peter Lim pinasabugan

Pinasabugan ng improvised explosive device (IED) ng mga hindi pa nakikilalang armadong grupo ang kompanyang pag-aari ng ng kontrobersyal na negosyanteng si Peter Lim na Hilton Motors na nasa kahabaan ng M.C. Briones Street sa Barangay Subangdaku, Mandaue City Huwebes (July 5) alas-2:00 ng madaling araw.

Ayon kay PO3 Frederick Andales ng Subangdaku Police Station, nakatanggap ng tawag ang kanyang mga tauhan kaugnay sa nasabing insidente.

Pinasabugan ang bahagi ng establiyimento kung saan naroon din ang opisina ni Lim.

Wala namang nasaktan sa nasabing insidente pero nasira ang ilan sa mga naka-display na sasakyan sa labas.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing insidente at ang anggulong may kaugnayan ang insidente sa iligal na droga.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte na isang big-time drug lord si Peter Lim ngunit itinanggi naman ito ng negosyante at sinabi na hindi siya ang Peter Lim na tinutukoy ng pangulo .

Sa kabila ng pagtanggi ni Peter Lim ay sinampahan pa rin siya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng kasong may kaugnayan sa drug trafficking na nakabinbin ngayon sa Department of Justice (DOJ).

Sinabi ni Lim, ikatlo na umano sa tangka sa buhay niya at ng kanyang kapatid na si Wellington Lim ang naturang pagpapasabog.

Noong nakaraan lamang Hunyo 30 ay may tatlong armadong grupo ang nagdisarma sa security guard at nagtangkang sunugin ang Infinity KTV and Music Lounge na pag-aari rin ng magkapatid.

Sa isa pang insidente, namatay naman ang isang ang security guard na si Wilson Bucag, 42, noong Marso ngayong taon sa pamamaril sa sasakyan ni Wellington habang palabas sa Infinity carpark. Hindi naman nasaktan si Wellington pero nasugatan din ang isa pang security guard at dalawa pang foreigners na dumadaan lang.

Read more...