Babae, umakyat sa Statue of Liberty bilang bahagi ng July 4 protest
Isang babae ang umakyat sa base ng Statue of Liberty habang anim ang inaresto na pawang mga demonstrador sa makasaysayang araw ngayon sa Estados Unidos, o July 4, Independence Day ng bansa.
Pansamantalang pinalikas ang mga turista sa Liberty Island para isagawa ang negosasyon sa babaeng umakyat sa makasaysayang landmark.
Sa mga larawan, makikita ang mga opisyal na nakikipag-usap sa babaeng nasa laylayan ng gown ng estatwa.
Isang rope rescue system ang binuo para matulungan ang babae dahil naniniwala ang mga awtoridad na hindi nito kayaning makababa nang mag-isa.
Ayon kay National Park Service spokesman Jerry Willis, ang anim na katao namang naaresto ay nanawagan sa abolisyon ng ICE o ang Immigration and Customs Enforcement division ng Department of Homeland Security ng gobyerno.
Ang naturang kagawaran ay nag-aaresto at nagpapauwi sa mga hindi awtorisadong immigrants sa loob ng US.
Ang anim na naaresto ay naglagay ng banner na ‘Abolish ICE’ na mahigpit na ipinagbabawal sa monumento.
Itinanggi naman ng organizing group na ‘Rise and Resist’ na nagsagawa ng demonstrasyon na bahagi ng kanilang grupo ang babaeng umakyat sa Statue of Liberty.
Umabot ng apat na oras ang pakikipagnegosasyon ng mga awtoridad sa babae bago ito tuluyang maibaba sa monumento.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.