Nagpahayag ng pagkabahala si Vice President Leni Robredo sa umano’y sunud-sunod at walang pinipiling pamamaslang mula sa mga pari, kawani o opisyal ng gobyerno at maging mga tambay at kabataan.
Dahil dito, nanawagan ang pangalawang pangulo sa mga awtoridad lalo na sa mga pulis na magsagawa ng imbestigasyon sa mga pagpatay at gumawa ng agarang hakbang para itigil ang mga ito.
Sinabi ni Robredo na hangad niya ang isang bansang malaya mula sa karahasan at abot-kamay ang hustisya anuman ang kalagayan sa buhay.
Hinimok ng opisyal ang mga mamamayan na huwag hayaang umabot sa sukdulan ang nangyayaring kaguluhan sa bansa.
Ayon kay Robredo, sa pamamagitan ng nagkakaisang tinig ay malalabanan ang kultuta ng karahasan at patayan.
Sa pamamagitan din anya ng nagkakaisang boses ay mapakikita ang tunay na mukha ng isang Filipino na mapagkalinga at may pagpapahalaga sa buhay ng kapwa.