Ibinunyag ng Malacañang na maaring matalakay sa joint command conference ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang naganap na pagpatay sa dalawang local officials sa mga nakaraang araw.
Mamayang alas-singko ng hapon gaganapin ang nasabing pulong sa Malacañang at inaasahang matatalakay dito ang kaso ng pagpatay kina Tanauan City Mayor Tony Halili at General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi biglaan ang joint command confrence dahil matagal na itong nakapila sa schedule ni Pangulong Duterte.
Sa naturang pagpupulong, posible aniyang magbigay ng update ang matataas na opisyal ng PNP at AFP sa itinatakbo ng imbestigasyon sa kaso nina Halili at Bote.
Bukod sa mga kaso ng pagpatay sa mga mayor, maari ring matalakay ang sunod sunod naman na kaso ng pagpatay sa mga pari.
Matatandaang nangako ang Malacañang na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang PNP at AFP sa mga kaso ng pagpatay sa Pilipinas.
Kabilang rin sa tatalakayin sa pulong ay ang pahayag ng CPP-NPA na makikibahagi sila sa planong pagpapabagsak sa administrasyong Duterte.