Umaapela ang Palasyo ng Malakanyang sa mga vice mayor sa buong bansa na huwag seryosohin ang payo ni Pangulong Rodrigo Duterte na patayin ang mga mayor.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, biro lamang ang naturang pahayag ng pangulo.
Sa talumpati kasi ng pangulo sa 25th Annual National Convention of the Vice Mayors’ League of the Philippines sa Panglao, Bohol noong Huwebes, June 28, sinabi nito na kung gusto ng mga vice nayor na mapadali na maging mayor ay patayin na lamang ang mga nakaupong mayor ngayon.
Tiyak kasi aniyang matatagalan ang pagiging mayor ng mga vice mayor dahil kapag natapos ang termino ng mga mayor, patatakbuhin nila ang kanilang mga asawa o anak.
Matatandaang matapos ang biro ng pangulo, magkasunod na pinatay sina Tanauan City Mayor Antonio Halili at General Tinio, Nueve Ecija Mayor Ferdinand Bote.
Ayon kay Roque, off tangent at talagang biro lamang ang pahayag ng pangulo.