Hinamon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang Malacañang na pangalanan ang mga lider ng Simbahang Katolika na inaakusahan ng palasyo na nakikipagsabwatan sa mga rebelde para mapatalsik si Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto.
Ito ay matapos ihayag ni Roque ang ideya na maaaring may sabwatan sa pagitan ng mga komunista at ng mga lider ng Simbahan para pabagsakin ang administrasyon.
Sa isang ulat mula sa CBCP News, sinabi ni Bishop Pabillo na dapat patunayan ni Roque ang kanyang mga akusasyon.
Iginiit ng obispo na dapat pangalanan ni Roque ang kanyang mga tinutukoy dahil kung hindi ay pawang tsismis lamang ang kanyang mga ipinakakalat at hindi ito uri ng responsableng pamamahayag.
Sinabi pa ni Bishop Pabillo na ang naturang pahayag ay nagpapakita lamang ng pagiging bulag ng administrasyon sa sarili nitong mga kamalian at isinisisi sa iba ang kanilang mga pagkukulang.
“That only shows how insecure they are. They are so blinded by their fears and their bias that they cannot see their mistakes. They deflect on others their inefficiencies,” ani Pabillo.
Ang paratang na may planong pabagsakin ang administrasyon ay unang ipinalutang ni Pastor Boy Saycon, isa sa miyembro ng komite na binuo para isagawa ang dayalogo sa pagitan ng Simbahan at gobyerno.
Gayunman ay mariin itong itinanggi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.