P1.2M halaga ng shabu nasabat sa natititrang miyembro ng Buratong drug syndicate sa Pasig
Arestado na ang natitirang miyembro ng Buratong Drug Syndicate matapos magkasa ng buy bust operation ang mga otoridad sa Barangay Pineda, Pasig City.
Narekober ang pito na maliliit na sachet at 27 medium sized sachets na lahat ay naglalaman ng hinihinalang shabu mula kay Antonio Intalan, 49 na taong gulang at isang construction worker.
Nasa 190 gramo ng iligal na droga ang narekober mula sa suspek at tinatayang nagkakahalaga ito ng mahigit P1.25 milyon.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director, Chief Superintendent Guillermo Eleazar, kabilang si Intalan sa Top 10 High Value Target category level 1 ng Eastern Police District (EPD).
Napag-alaman na isa rin itong miyembro ng Amin Buratong Drug Syndicate na nasa likod ng operasyon ng Pasig Shabu Tianggee simula pa noong 2006.
Ayon pa kay Eleazar, ang pagkakaaresto sa suspek ay resulta ng followup operation matapos maaresto kamakailan sa magkahiwalay na buy bust ang iba pang miyembro ng Buratong drug syndicate sa Pasig City pa rin kung saan mahigit P680,000 at P1.36 milyong halaga ng shabu ang nasamsam.
Tatlong beses nang naaresto si Intalan noong 2013, 2014, at 2017 dahil pa rin sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Sa ngayon ay mahaharap muli si Intalan sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.