Si Halili ay tinamaan ng bala ng baril sa kanyang dibdib at base sa pagsusuri ay napuruhan ang puso nito.
Ang mga “fragments” naman ng hindi pa tinutukoy na uri ng bala ang nakapinsala sa “internal organs” ng alkalde.
Samantala, ang mga labi ni Mayor Halili ay dinala na sa kanyang bahay sa Barangay Sambat kung saan papayagan ang public viewing simula pa kaninang alas-8:00 ng umaga.
Si Mayor Halili ay binaril ng sniper Lunes (July 2) ng umaga habang dumadalo sa flag raising ceremony sa ground ng bagong city hall.
Sa pagtaya ng pulisya, may 200 metro ang layo ng sniper na nagkubli sa isang talahiban.
Ayon kay Chief Superintendent Edward Caranza, director ng PNP Southern Tagalog, nakadapa ang gunman base sa “clearing” sa damuhan na nasa hilagang bahagi ng city hall.
Aniya, patuloy nilang inaalam ang iba pang motibo sa pamamaslang sa alkalde.