Naglabas ng kautusan ang Bureau of Immigration na nag-uutos na ipa-deport ang Amerikanong si L/Cpl Joseph Scott Pemberton na pangunahing akusado sa pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude.
Ito’s sa kabila ng katotohanang nakadetine si Pemberton dahil kasalukuyang dinidinig ang kaso nito sa Olongapo City Regional Trial Court.
Gayunman, nilinaw ng ahensya na isasakatuparan lamang ang deportation kay Pemberton sa oras na matapos na ang pagdinig sa kasong murder na kinakaharap nito.
Paliwanag ng BI, isang ‘risk to public interest’ at isang ‘undesireable alien’ si Pemberton.
Sa oras na makasuhan ng criminal offense ang isang dayuhan, maituturing itong ‘undesireable’ o di’ kanais-nais.
Sa oras na mapatalsik sa bansa, isasama ang pangalan ni Pemberton sa ‘blacklist’ ng Bureau of Immigration.
Si Pemberton ang itinuturong pumatay kay Jennifer Laude noong nakaraang taon sa isang motel sa Olongapo City.