Tahasang idinawit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang napaslang na si Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili sa operasyon ng ilegal na droga.
Sa taumpati ng pangulo sa founding anniversary ng Southern Leyte na ginanap sa bayan ng Maasin Leyte ay kanyang sinabi na front lamang o pagkukunwari lamang ni Halili ang shame campaign kung saan pinaparada o ipino-prosisyon ang mga nahuhuling drug addict sa kanyang siyudad.
Ayon sa pangulo, si Halili ang sangkot sa ilegal na droga.
“Kunwari malala ang problema sa ilagal na droga, kunwari pinoprosisyon ang mga adik. Siya yun. kanina pinatay. ewan ko kung sino ang pumatay. ang sabi ko huwag pumasok sa iligal na droga”, paliwanag ng pangulo.
Gayunman, sinabi ng pangulo na hindi niya matukoy kung sino ang pumatay kay Halili.
Agad ding nilinaw ng pangulo na suspetsa niya lamang na nasa operasyon sa ilegal na droga ang alkalde.
Matatandaang una nang idinawit ng pangulo si Halili sa kanyang hawak na narcolist.
Sa kanyang mga naging pahayag ay itinanggi ni Halili na sangkot siya sa illegal drug trade sa bansa.