Kuya ni Sharon Cuneta tatakbong mayor sa Pasay City

By Den Macaranas July 02, 2018 - 05:49 PM

FB: Sharon Cuneta

Kasabay ng unang araw ng muling pagbubukas ng Commission on Elections (Comelec) ng kanilang pintuan para sa voter’s registration ay binasag na ng aktres na si Sharon Cuneta ang kanilang plano sa pulitika.

Sinamahan ni Sharon sa pagpapa-rehistro sa tanggapan ng Comelec sa Pasay City ang kanyang kuya na si Cesar “Chet” Cuneta na nagsabing tatakbong alkalde sa lungsod sa susunod na taon.

Si Chet Cuneta na isang licensed pilot ay nagsabi na tatlong dekada na siyang inaalok na pumalaot sa pulitika sa nasabing lungsod kung saan ay naging mayor din ang kanilang ama na si Pablo Cuneta noong panahon dekada 70 hanggang 80.

Sa panayam ng media, sinabi ni Sharon na matagal ang naging pag-uusap para kumbinsihin ang kanyang kapatid na tumakbo bilang alkalde.

Sinabi rin ni Sharon na isang matinong pulitika ang maipapangako nila sa ngalan ng kanyang kapatid.

Sinabi naman ni Chet na matagal nang napag-iwanan ang Pasay City ng kanyang mga katabing lungsod at ito umano ang nagtulak sa kanya para pasukin ang pulitika.

Magugunitang kamakailan ay nakipag-dinner si Pangulong Rodrigo Duterte sa magkapatid na Cuneta na siyang naging simula ng mga haka-haka na posibleng tumakbo ang isang miyembro ng kanilang pamilya sa Pasay City.

TAGS: chet cuneta, duterte, Mayor, Pasay City, Sharon Cuneta, chet cuneta, duterte, Mayor, Pasay City, Sharon Cuneta

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.