Malacañang bumuwelta sa Human Rights Watch sa panibagong banat kay Duterte

Kalokohan ang pahayag ng New York-based Human Rights Watch na nauwi na sa human rights calamity ang dalawang taong pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Paliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque, maaring nakakalimutan ng taongbayan na mayroong iba’t ibang klase ang karapatang pantao.

Ayon sa kalihim, “Kalokohan po iyan. iyong libreng tuition po, iyan po ay karapatan ng pantao, karapatan ng edukasyon; iyong libreng pakain, iyon po ay karapatan ng kabataan, iyong right of the child; iyong libreng patubig, karapatan ng hanapbuhay, karapatang mabuhay”.

Katwiran ni Roque na isinusulong ng pangulo ang karapatang pantao sa Pilipinas.

Halimbawa na lamang aniya ang libreng tuition sa mga state universities at colleges, libreng pagkain sa mga eskwelahan, libreng patubig sa mga sakahan, at iba pa.

Sinabi pa ni Roque na wala nang mas importante pa sa pangulo kundi ang itaguyod ang karapapatang pantao.

Pursigido aniya ang pangulo na itaguyod ang kampanya kontra sa ilegal na droga pati na ang pagtataguyod sa kalusugan at karapatang mabuhay ng bawat Filipino.

Read more...