Nahuli si Alfonso Dacquel alyas “Otoy” na pangatlo sa nasabing listahan, pati na ang kaniyang asawa na si Siena Joyce alyas “Shen” sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Brgy. Central Signal Village noong October 1.
Ayon sa pinuno ng Taguig Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group na si Chief Insp. Jerry Amindalan, nakuhanan ng anim na pakete ng hinihinalang shabu si Dacquel na nagkakahalagang P150,000.
Nauna nang natimbog ang nangunguna sa listahan na si Michael Butch Tan noon pang August 21, na sinundan ng pagkahuli sa pangalawang most wanted drug suspect na si Sancho Espiritu noon namang September 23.
Kabilang pa sa iba pang nahuli ngayong taon ay sina Silvestre, Isidro Llagas, Mardie Talampas, Jackie Abone, Adonis Venus, Bags Malay at Rawie Castro.
Pinuri ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang mga pulis dahil sa matagumpay nilang paghuli sa 183 na mga suspek na sangkot sa bentahan ng iligal na droga na nakasaad sa kanilang 2015 third quarter report.
Para kay Cayetano, isa itong magandang balita dahil hindi na magpapakalat-kalat sa mga lansangan ng kanilang lungsod ang mga ito na nangangahulugan ng mas ligtas na kapaligiran para sa mga residente.