Mga pangako ni Pangulong Duterte naipatupad sa kanyang unang dalawang taon sa posisyon

Naging mabunga ang unang dalawang taon sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, bagaman maraming mga kontrobersiya at kritisismo ang ibinabato sa pangulo kaugnay sa kanyang kampanya kontra sa iligal na droga.

Sa isang pahayag, sinabi ni Roque na personal niyang nasaksihan ang masigasig na pagtatrabaho ng pangulo.

Aniya, nakita niya ang dedikasyon sa serbisyo ni Pangulong Duterte at natupad nito ang kanyang ipinangako sa mga Pilipino dahil sa kanyang malakas na “political will, decisive leadership, at compassion.”

Dagdag pa ng tagapagsalita, batay sa datos na hawak ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), makikita na nagwawagi ang pamahalaan kontra sa kalakaran ng iligal na droga.

Sa kabuuan, 123,648 na mga drug suspek ang naaresto at 189 na mga drug den at shabu laboratory ang naipasara.

Nasa P13.46 bilyong shabu naman aniya ang narekober ng mga otoridad.

Samantala, para naman sa PDEA, 6,462 na mga barangay na ang kanilang idineklarang drug free.

Wala namang binanggit si Roque ukol sa bilang ng mga nasawi sa operasyong ikinasa ng PNP at PDEA.

Dagdag pa ni Roque, sa larangan naman ng ekonomiya, tumaas sa 6.7% ang gross domestic product (GDP) ng bansa noong nakaraang taon na nangangahulugang isa ang Pilipinas sa may fastest growing economy sa Asya.

Target aniya ng pamahalaan na tumaas pa sa 7% hanggang 8% ang GDP sa susunod na taon.

Malaking tulong din aniya ang mga pagpupulong ng pangulo kasama ang iba pang mga lider na magbibigay ng investment at trabaho para sa libu-libong mga Pilipino.

Read more...