Hindi bababa sa 246 barangay ang lubog pa rin sa tubig-baha sa gitnang Luzon at karatig probinsya dahil sa bagyong Lando.
Bukod sa Central Luzon, apektado rin ng baha ang ilang lugar sa Tuguegarao City sa Cagayan, Nueva Ecija, Pampanga at Bulacan at Zambales.
Ayon pa sa Office of Civil Defense, sa Nueva Ecija, nasa 146 ang mga lubog pa ring mga barangay, samantalang 44 sa Pampanga, 29 sa Bulacan at apat sa lalawigan ng Zambales.
Nasa 23 barangay din sa Tuguegarao, Cagayan ang nakararanas pa rin ng pagbaha.
Patuloy na inaalerto ng NDRRMC at OCD ang mga residente na nakatira sa mga tabing-ilog na naapektuhan ng bagyong Lando na maging alerto sa posibilidad na tumaas ang lebel ng tubig sa kanilang mga lugar.
Ito’y dahil sa inaasahang pagbaba ng tubig-ulan na ibinuhos ng bagyong Lando mula sa mga kabundukan.