Voter’s registration para sa 2019 midterm polls, ipagpapatuloy sa July 2
Muling ipagpapatuloy ang voter’s registration period bukas (July 2), para sa May 2019 national and local elections.
Ayon kay Commission on Elections o Comelec spokesman James Jimenez, ang rehistrasyon ay magtatagal hanggang September 29, 2018.
Batid ni Jimenez na hindi gaanong marami ang magpapa-rehistro sa unang araw ng resumption ng voter’s registration, lalo’t may ugali ang ilang mga Pilipino na gagawin ito sa huling minuto o kapag nalalapit na ang deadline.
Sinabi ng Comelec na ang mga aplikante ay maaaring magtungo sa Office of the Election Officers o OEOs sa siyudad, munisipalidad o distrito kung saan nakatira, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon, Lunes hanggang Sabado kabilang na ang holidays.
Maliban sa aplikasyon para sa bagong registration, bukas din ang Comelec para sa transfer, magdala lamang ng valid ID at proof of billing; reactivation, o magsabi lamang na dati nang registered voter pero bigong makaboto ng dalawang magkasunod na halalan; correction of entries, kailangan lamang na magdala ng patunay na mali ang entry gaya sa paagalan; at reinstatement of records o pagbabalik sa listahan ng mga botante.
Tiniyak naman ng Comelec na bibigyang prayoridad ang mga magpapa-rehistro na mga senior citizen, buntis at indigenous peoples.
Gagawin ang voter registration sa buong Pilipinas, maliban lamang sa Marawi City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.