Comelec, nag-iimbita na ng bidders para sa mga kakailanganin sa 2019 elections

Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-imbita sa mga interesadong bidders na handang magsuplay ng mga kakailanganin ng poll body para sa May 2019 midterm elections.

Inanunsyo ng Special Bids and Awards Committee ng ahensya ang kahandaan para sa procurement at leasing ng mga thermal papers at external batteries na kakailanganin para sa vote counting machines.

Inaprubahan ang budget na P117.4 milyong piso para sa 1.16 million rolls ng thermal paper o P110 kada isa, habang maglalaan naman ng P174.9 million para sa leasing ng 97,350 external batteries o P1,797 kada isa.

Naghahanap na rin ang Comelec ng service provider na titiyak sa transmission ng resulta ng eleksyon at naglaan ng halos P1.18 bilyon ang Comelec para sa kontrata nito.

Inilatag na ng ahensya ang requirements sa mga interesadong bidders tulad ng ‘completion’ ng kahalintulad na kontrata ng Comelec para sa external batteries sa loob ng walong taon habang dapat ay maabot ng bidder para sa thermal paper ang standards sa sukat, kapal at liwanag ng papel na gagamitin na itinakda ng Department of Science and Technology.

Kamakailan ay inihayag ni Comelec spokesman James Jimenez na hindi nila maaaring bagalan ang paghahanda para sa 2019 elections sa kabila ng mga panawagan na isuspinde ito para sa inilulutong pag-amyenda sa Saligang Batas.

Iginiit ng opisyal na mandato ng Comelec na maghanda para sa nakatakdang halalan.

Read more...