May go signal na ang Pasay City Prosecutor’s Office para kasuhan ng libel si “Thinking Pinoy” blogger Rey Joseph “RJ” Nieto dahil sa pagtawag kay Sen. Antonio Trillanes IV na “narco-politician” sa isa sa kanyang mga posts.
Inirekomenda ng city prosecutor na sampahan ng kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 si Neito dahil sa mali at walang basehan na paninira kay Trillanes.
Ayon sa piskalya, dapat litisin si Nieto sa Cyber-libel dahil sa kanyang mga naipost na pahayag sa pamamagitan ng Facebook.
Hindi naghain si Nieto ng counter-affidavit sa preliminary investigation ng kaso.
Kinasuhan ng senador ang blogger noong November 22, 2017 kasunod ng post ni Nieto noong October 31 kung saan sinabi nito na tinawag umano ni US Pres. Donald Trump na “narco,” isang termino patungkol sa taong sangkot sa droga o isang drug lord.
Sinabi naman ni Trillanes na ang resolusyon ay dapat na magsilbing babala kay Nieto at sa ibang bloggers ng administrasyon na tumigil sa pagkakalat ng kasinungalingan bilang bahagi anya ng propaganda ng gobyerno.