Ilang lugar sa Bulacan at Pampanga inalerto sa pagbaha sa mga susunod na oras
Kahit halos ay wala nang nagaganap na pag-ulan sa ibabaw ng Central Luzon ay dapat pa ring asahan ang pag-baha sa ilang bahagi ng Region 3 partikular na sa Bulacan at Pampanga.
Ipinaliwanag ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Usec. Alexander Pama na sa nasabing lalawigan mapupunta ang tubig baha bago ito dumiretso sa Manila Bay.
Dahil silted o barado ang karamihan sa mga ilog sa Bulacan at Pampanga kaya maaipon ang tubig baha na galing sa mga lalawigan ng Aurora at Nueva Ecija sa mga low-lying areas.
Kaninang hapon ay inulat ni Pampanga Gov. Lilia Pineda na hanggang pitong talampakan na ang baha sa bayan ng Candaba samantalang pataas na rin ang tubig sa mga bayan ng San Simon at Apalit.
Inalerto na rin ang mga nakatira sa paligid ng Pampanga River na manatiling naka-alerto para sa biglaang paglilikas kung kinakailangan.
Sa lalawigan ng Bulacan ay nagsimula na ring tumaas ang tubig baha sa mga bayan ng Hagonoy, Paombong at Calumpit.
Ang nasabing mga coastal towns ay kadalasan ding lumulubog sa tubig baha kahit na sa mga simpleng pag-ulan lamang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.