PDEA hindi aatras sa panukalang drug test sa mga mag-aaral
Hindi pa rin tinatalikuran ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kanilang isinusulong na mandatory drug test sa mga batang mag-aaral na may edad sampu pataas.
Ikinatwiran ni PDEA Special Enforcement Service Director Levi Ortiz na lumabas sa pag-aaral ng kanilang mga kinunsultang eksperto at psychologists na walang magiging masamang epekto sa pag-iisip ng mga bata ang mandatory drug test.
Dadaan naman umano kung sakali ang nasabing drug test sa paraan na magiging katanggap-tanggap sa mga magulang ng mga bata.
Tiniyak rin ng opisyal na bibigyan ng kaukulang privacy ang resulta ng gagawing drug test sa mga batang mag-aaral.
Nauna dito ay sinabi ng Department of Education na hindi sila pabor sa nasabing mandatory drug test dahil labag ito sa umiiral na Dangerous Drug Act kung saan ay tanging mga mag-aaral lamang sa high school ang pinapayagang isalang sa random drug testing.
Pati ang Malacañang ay naglabas ng pahayag na pabor sila sa naging pahayag ng DepEd.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.