Bong Revilla humiling sa Sandiganbayan na payagan siyang makadalo sa debut ng anak
Humihirit ng panibagong petisyon sa Sandiganbayan si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. para payagan siyang makalabas ng Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame sa October 24.
Laman ng kanyang kahilingan na payagan siyang makadalo sa 18th Birthday ng kanyang anak na si Ma. Franzel Loudette Bautista na magdiriwang ng kaarawan sa October 24 sa Bellvue Hotel sa Alabang Muntinlupa City.
Umaasa ang mambabatas na mapagbibigyan ang kanyang tatlong oras na furlough na magsisimula ng alas-siyete ng gabi sa nasabing petsa.
Sa kanyang liham na ipinadala sa Sandiganbayan, sinabi ni Revilla na sasagutin niya ang lahat ng gastos sa kanyang byahe at security details mula sa Camp Crame hanggang sa venue ng debut ng kanyang anak.
Nakalagay din sa kanyang liham na hindi niya sinasamantala ang kaluwagang ibinigay sa kanya dati ng Sandiganbayan nang payagang siyang madala sa isang pribadong pagamutan noong October 10 hanggang 19 kung saan ay sumailalim siya sa dental procedures.
Magugunitang si Revilla kasama sina Sen. Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada ay nahaharap sa kasong Plunder makaraan silang masangkot sa multi-Billion Pesos na Pork Barrel Scam dahil sa mga pekeng NGOs ni Janet Lim Napoles.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.