Hindi pinatulan ni Sen. Mirriam Defensor-Santiago ang hamon ng isang nagngangalang Dr. Sylvia Estrada Claudio na isapubliko ang kabuuan ng kanyang medical records para patunayang kakayanin niyang maging lider ng ating bansa sakaling manalo ang mambabatas sa 2016.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Santiago na ginagarantiyahan ng Saligang-Batas ang kanyang right to privacy.
Pero kung talagang magpupumilit si Dr. Estrada-Claudio ay puwede naman daw siyang magpunta sa St. Luke’s Medical Center sa Global City sa Taguig para kunin ang kanyang buong medical records.
Dagdag pa ni Santiago, yun ay kung ibibigay kay Dr. Estrada-Santiago ang kanyang hinihingi dahil sa may kinakailangan ding protocol na sundin ang mga pagamutan na may kinalaman sa relasyon sa pagitan ng isang manggagamot at ng kanyang pasyente.
Bilang isang abogado, ipinaliwanag ni Santiago na ang burden of proof ay kailangang magmula sa nag-aakusa at hindi sa inaakusahan.
Hinamon din niya ang nagpakilalang doktor na maglabas ng mga patunay na siya ay may sakit pa at walang kakayahang mamuno sa bansa.
Naunang lumabas sa ilang social networking sites ang open letter ni Dr. Estrada-Claudio na naghahamon kay Santiago na patunayan sa pamamagitan ng kanyang mga medical records na malinis na ang kanyang katawan sa lahat ng uri ng cancer cells.