Ipinabubusisi ni CIBAC Partylist Rep. Sherwin Tugna sa liderato ng kamara kung sapat ba ang P5,000 na Pantawid Pasada Program na tulong para sa mga PUVs at jeepney drivers na ibinibigay ng pamahalaan.
Ayon kay Tugna, nais niyang malaman kung sapat ang P5,000 fuel vouchers sa loob ng anim na buwan gayong patuloy ang pagtaas ng mga bilihin at serbisyo dulot ng TRAIN.
Paliwanag nito, handa ang kamara na maghanap ng options at solusyon kung sakali man na hindi sasapat ang tulong na Pantawid Pasada ng gobyerno.
Ginawa ng mambabatas ang utos kasunod ng pagpapatupad ng Department of Finance (DOF), Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng Pantawid Pasada Program kung saan ipapamahagi sa mga PUV at PUJ drivers ang fuel vouchers mula sa gobyerno para makaagapay sa epekto ng TRAIN Law.
Kaugnay nito, pinapurihan ng kongresista ang DOF, DOTr at LTFRB sa kanilang pagkakaisa upang ipatupad na rin ang Pantawid Pasada Program sa ilalim ng TRAIN Law.