Panibagong petisyon laban kay Poe inihain sa Comelec
Panibagong petisyon laban sa Presidential bid ni Senador Grace Poe ang inihain sa Commission on Elections (Comelec) ngayong araw. Ang panibagong petisyon ay inihain ni De La Salle University Prof. Antonio Contreras sa Clerk of the Commission ng poll body.
Ginawang batayan ni Contreras sa paghahain niya ng petisyon ang kabiguan umano ni Poe na makatugon sa minimum residency requirement na itinakda ng Saligang-Batas para sa mga kandidato sa pagka-Pangulo ng bansa.
Sa kanyang petisyon ay ipinaliwanag ni Contreras na noong July 2006 inihain ni Poe ang kanyang petition for reacquisition of Philippine Citizenship at kung susumahin ay hindi aabot sa sampung taon ang kanyang paninirahan sa bansa pagsapit ng May 2016 o sa mismong araw ng election.
Lalabas umano na kapos ng dalawang buwan ang pananatili ni Poe sa Pilipinas para makatugon sa minimum residency requirement sa ilalim ng batas. Magugunitang naghain na rin ng kahalintulad na petisyon sina Rizalito David, Atty. Estrella Elamparo at dating Sen. Kit Tatad.
Sa panig ni Poe, sinabi ng kanyang abogado na si Atty. George Garcia na kayang-kaya nilang sagutin ang nasabing petisyon base sa mga hawak nilang dokumento na magpapatunay na pasok sa lahat ng requirements ang Presidential bid ng mambabatas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.