5 patay sa pamamaril sa Maryland, USA

AP Photo

Patay ang hindi bababa sa limang katao at marami ang sugatan na hindi pa tiyak ang bilang matapos ang isang shooting incident sa tanggapan ng Capital Gazette newspaper sa Annapolis, Maryland USA.

Kinumpirma ni Maryland Governor Larry Hogan ang insidente at pinag-iingat ang mga tao na lumapit sa shooting scene.

Sa kanyang tweet ay ipinahayag ng gobernador ang kalungkutan at tiniyak ang panalangin para sa kanyang komunidad.

Ang bilang ng patay na umabot na sa lima ay inihayag mismo sa isang pulong balitaan ni Acting Police Chief of Anne Arundel County Bill Krampf.

Samantala, sa isang tweet, sinabi ng isang reporter ng Capital Gazette na si Phil Davis na naganap ang pamamaril sa newsroom ng pahayagan.

Ayon kay Davis na takot na takot at walang nagawa kundi matago sa ilalim ng kanyang desk, pinagbabaril ng gunman ang glass door ng newsroom.

Inihayag naman ni President Donald Trump sa kanyang Twitter na naipaalam na rin sa kanya ang insidente.

Tiniyak din ng pangulo ang panalangin para sa mga biktima at pamilya ng mga ito.

Pinasalamatan ni Trump ang mga awtoridad na agad rumesponde sa crime scene.

Sa isang email naman sa Associated Press, kinumpirma ni Annapolis, Maryland Spokeswoman Susan O’Biren na isang suspek na sa pamamaril ang nasa kustodiya ng mga pulis.

Secured na rin anya ang building kung saan naganap ang krimen.

Read more...