Guilty ang hatol ng korte kay self-proclaimed CEO Xian Gaza dahil sa paglabag sa Bouncing Check Law.
Sa ibinahaging litrato ni Xian ng desisyon ng Malabon Metropolitan Trial Court (MTC), nakasaad na guilty ito sa 11 counts ng Bouncing Check Law at makukulong sa loob ng kabuuang 5 taon at 6 na buwan, o 6 na buwan para sa bawat bilang ng paglabag sa nasabing batas.
Bukod pa ito sa P2,180,000 na bayad sa mga tumalbog na tseke at mga ligal na gastos.
Bagaman hinatulan ay maaari pang umapela si Xian sa korte sa loob ng 15 araw.
Bago pa man siya mahatulan ay sinabi nito na handa siyang makulong kung iyon talaga ang nakalaan para sa kanya.
Aniya pa, naniniwala siya ngayon na tunay ang karma.
Samantala, hindi naman tumigil ang self-proclaimed CEO na gawing biro ang kanyang pagkakasakdal.
Sa isang post ay muli pa nitong niyaya si Erich Gonzales na makipag-date sa kanya bago man lang siya ikulong.
Matatandaang kinasuhan si Xian matapos nitong hindi mabayaran ang dalawang investors sa isang coffee shop na hindi naman naitayo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.