Pagdinig sa Plunder case ni CGMA pinatigil ng SC

arroyo1
Inquirer file photo

Pansamantalang pinigil ng Korte Suprema ang paglilitis ng Sandiganbayan First Division ng kasong plunder laban kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Arroyo.

Ito ay sa pamamagitan ng Status Quo Ante Order na inilabas ng Supreme Court na tatagal sa loob ng tatlumpung araw.

Ang kaso ay may kinalaman sa umano’y ma-anomalyang paggamit ng Confidential Intelligence Fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO na nagkakahalaga ng P365Million noong si GMA pa ang Pangulo ng bansa.

Kasabay nito, inatasan din ng Korte Suprema ang Sandiganbayan 1st Division na magsumite ng kumento sa petisyon ni CGMA.

Sa kanyang 124-pahinang petition for certiorari na inihain sa pamamagitan ng kanyang abugadong si Atty. Estelito Mendoza ay hiniling ng dating Pangulo na magtakda ng oral argument sa kanyang kaso at suspindihin ang paglilitis sa Sandiganbayan kaugnay sa kanyang kaso.

Nais din ng dating Pangulo na iutos ng Korte Suprema ang pagpapawalang bisa sa resolusyon ng Sandiganbayan noong April 6 2015 at September 10  2015 na nagbabasura sa inihain niyang demurrer to evidence.

Nabatid na maliban kay Arroyo, pinayagan nang makapagpiyansa ang kanyang mga kapwa akusado sa kaso na sina: Dating PCSO General Manager at Vice Chairman Rosario Uriarte, Dating Board of Directors Manuel Morato, Jose Taruc, Raymundo Roquero at Ma. Fatima Valdes, pati na sina Dating Commission on Audit Chairman Reynaldo Villar.

Dahil dito, iginiit ni Ginang Arroyo na ang ginawang pagbasura ng Sandiganbayan sa kanyang demurrer to evidence ay taliwas sa prinsipyo ng equal justice lalu pa’t wala umanong sapat na ebidensya para madiin siya sa kaso.

Kung pagbabatayan umano ang 637 documentary exhibits ng prosekusyon at testimonya na inihalad ng kanilang 21 testigo, bigo silang mapatunayan na ibinulsa ng dating Pangulo ang kahit isang sentimo mula sa PCSO Fund ayon pa sa kampo ni CGMA.

Read more...