Malacañang sinang-ayunan ang panawagan ni Cardinal Tagle sa pagrespeto sa paniniwala ng iba

Nagpahayag ng suporta ang Palasyo ng Malacañang sa naging panawagan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga Katoliko na igalang ang paniniwala ng hindi kaisa sa pananampalataya pati na ang hindi naniniwala sa Diyos.

Ang pahayag ni Cardinal Tagle ay inilabas sa kasagsagan ng kontrobersiyang nilikha ng pagtawag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Diyos bilang ‘istupido’.

“We welcome the statement of Cardinal Tagle urging Catholics to respect the views of other religions including atheists,” ani Presidential Spokesperon Harry Roque.

Sa isang pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na magkakaiba ang paniniwala ng bawat isa kaya dapat lamang na irespeto ang pagkakaiba na ito.

Iginiit ng opisyal na tulad ng kahit sinong tao, malaya ang pangulo na ihayag ang kanyang saloobin kahit pa sa usapin ng relihiyon.

“No, anyone is free to say whatever he wants particularly on the issue of faith,” ani Roque.

“Alam naman po natin na magkakaiba ang ating paniniwala kaya sana naman respetuhin natin ang pagkakaiba na ito,” dagdag pa ng kalihim.

Ibinida naman ni Roque ang pag-usad ng dayalogo ng gobyerno at ng Simbahang Katolika.

Anya ang pag-uusap na ito ay para sa Diyos at sa bayan.

Samantala, muling sinabi ni Roque na hindi hihingi ng tawad ang presidente sa kabila ng panawagan ng ilang mga grupo.

Read more...