Amerikanong magnanakaw arestado sa NAIA

Isang Amerikano na wanted sa Estados Unidos ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.

Ayon kay BI OIC Deputy Commissioner at Port Operations Division Chief Marc Red Mariñas dinakip nila noong June 11 ang suspek na si Kenneth Collins Dunn na wanted sa Oregon dahil sa paglabag sa kanyang parole matapos na makulong sa kasong pagnanakaw.

Nabatid na nahuli si Dunn sa tulong ng tip mula sa US Embassy na ipinarating sa opisyal ng Pilipinas.

Base sa report na nakarating kay BI Commissioner Jaime Morente, papunta sana si Dunn sa Los Angeles matapos na dumating sa bansa mula sa Bangkok nitong unang bahagi ng taon.

Gayunman, hindi ito natuloy pero natiyempuhan ito na pasakay ng Air Nippon Airways flight na papunta sa Narita, Japan imbes na pa-US.

Gumamit si Dunn ng Belizean passport gamit ang pangalang Kelsey Brian Dunn para maka-iwas sa mga awtoridad sa US at makalabas ng Pilipinas nang hindi natutunugan.

Pinatapon na pabalik ng Los Angeles ang si Dunn sakay ng Philippine Airlines para harapin kanyang kaso.

Read more...