Mga dumukot sa pinaslang na Agusan Del Sur Mayor naka-suot ng NBI shirt
Kinumpirma ng Palasyo ng Malacanang ang mga naunang lumabas na ulat na pawang mga nakasuot ng damit na may tatak na “NBI” o National Bureau of Investigation ang mga dumukot sa pinatay na si Loreto Agusan del Sur Mayor Dario Otaza at sa kanyang anak na si Daryl.
Sinabi ni Cabinet Cluster on Security, Justice and Peace head Usec. Emmanuel Bautista na may nakausap ng mga saksi ang ilang tauhan ng PNP na nagkumpirma sa nasabing report.
Ipinaliwanag rin ni Bautista na dating ring pinuno ng Armed Forces of the Philippines na ang paraan ng pagpatay sa nasabing opisyal ay kahalintulad ng mga istilo ng New People’s Army kung saan ay dating kabilang si Otaza.
“Dahil sa pagsu-suot ng NBI uniform ng mga kumuha kay Mayor Otaza kaya naging relax ang kanyang mga bodyguards”, ayon pa kay Bautista.
Si Mayor Otaza at anak na si Daryl ay kinuha ng mga armadong kalalakihan sa kanilang bahay sa Barangay Baan Riverside sa Butuan City kagabi.
Kaninang umaga ay nakita ang kanilang mga bangkay na nakatali ang mga kamay at paa at tadtad ng tama ng bala ang mga katawan sa Purok 2 Bitan-agan Butuan City.
Ipinag-utos na rin ni PNP Chief Ricardo Marquez ang malalimang imbestigasyon sa nasabing pamamaslang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.