Isa sa mga testigo sa Pork Barrel Scam, binawi ang testimonya laban kay Ex-Sen. Bong Revilla
Binawi ng isa sa whistleblowers ng Pork Barrel scam na si Marina Sula ang testimonya nito laban kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.
Sa pagdinig ng Sandiganbayan 1st divison, mangiyak-ngiyak na ibinulgar ni Sula na mismong ang mga prosecutor ng Office of the Ombudsman ang nag-coach o nagdikta sa kanya na sundan lamang ang mga testimonya ni Benhur Luy upang madiin ng husto si Revilla sa kaso.
Ibig sabihin ay mga kasinungalingan ang kanyang mga testimonya laban kay Revilla,at hindi raw niya personal na nakitang tumanggap ng kickbacks ang dating senador mula kay Janet Lim Napoles.
Sinabi ni Sula na ngayon lamang siya nabigyan ng pagkakataon na masabi ang kanyang mga nalalaman at ang lahat ng kanyang pahayag sa witness stand ay pawang mga totoo.
Naiiyak at natutuwa naman si Revilla sa mga naging statement ni Sula sa korte.
Ani Revilla, makalipas ang apat na taon, ang mga rebelasyon sa pagdinig ngayong araw ay kumukumpirma lamang sa mga naunang pahayag niya hinggil sa kinakaharap na kaso at sinadyang targetin siya.
Pinag-aaralan naman ng kampo ni Revilla na hilingin sa korte na tanggalin na si Luy mula sa Witness Protection Program o WPP at upang maalis na ang immunity nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.