Umapela ang Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) sa mga lokal na pamahalaan na istriktong ipatupad ang pagbabawal sa mga tricycles at pedicabs sa mga pambansang lansangan.
Sinabi ni I-ACT spokesperson Aileen Lizada base sa inilabas na memorandum ng DILG noong nakaraang taon, ipinagbabawal ang mga tricycles at pedicabs sa mga national roads maliban na lang kung wala talagang alternatibong kalsada na magagamit.
Dagdag pa ni Lizada ipinagbabawal din sa mga tricycle na magsakay ng higit sa tatlong pasahero.
Banggit nito sa mga isinagawa nilang operasyon para ipatupad ang DILG memorandum, marami silang nahuling overloaded na tricycles, overcharging sa pasahe at walang mga lisensiya o prangkisa.
Ilang araw ng nagsasagawa ng operasyon ang I-ACT sa Katipunan Avenue, Quezon City kung saan marami sa mga tricycle na ginagawang school service ay siksikan ang mga pasaherong estudyante.
Giit ni Lizada ang ginagawa nila ay hindi panggigipit kundi nais lang nilang tiyakin ang kaligtasan ng mga batang estudyante.
Samantala, ibinahagi din ni Lizada na dumadami na rin ang sumasakay sa mga aircon buses na pinabibiyahe nila sa kahabaan ng Katipunan Avenue.
Aniya tinatangkilik na ang mga aircon buses dahil sa kampaniya kontra sa mga tricycle.
Banggit pa ni Lizada P10 lang ang pasahe ng mga estudyante at may iba na P8 lang ang ibinabayad dahil yung lang daw ang baon nila para sa pasahe.
May iba pa na hindi na nagbabayad ss katuwiran na nakapag advance na sila sa service nilang tricycle.