Problemado pa rin ang mga apektadong manggagawa ng Torre De Manila, matapos ang pasya ng Korte Suprema na ipahinto ang konstruksyon nito.
Ayon sa ilang manggagawa, maghahanap na lamang muna sila ng ibang mapagtatrabahuhan lalo’t wala pang malinaw na ibinibigay na impormasyon sa kanila ang pamunuan ng DMCI.
Maagang dumating kanina sa gusali ang mga manggagawa para kunin ang kanilang mga naiwan pang gamit sa loob upang makapagtrabaho sila sa ibang construction site.
Gayunman, hindi basta-basta nagpapapasok sa ginagawang gusali ang gwardya ng DMCI. Pwede naman daw pumasok sa loob pero hindi pinapayagan ang maramihan o sabay-sabay na pagpasok.
Maliban dito, hindi rin pinapayagan ang mga manggagawa na gamitin ang improvised elevator sa pag-akyat nila sa gusali para kunin ang gamit.
Ayon sa ilang trabahador, ang iba sa kanila ay nasa ika 42 palapag ang mga gamit na kailangang kunin, at kailangan nila itong akyatin ng mano-mano.
Magugunitang aabot sa 2,000 mga construction workers ang naapektuhan sa desisyon ng Korte Suprema na pahintuin ang Torre de Manila condo project. / Ruel Perez
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.