Palengke sa Pasig sinalakay dahil sa ibinebentang toxic na katol

EPD Photo

Sinalakay ng National Capital Region Police Office at ng Food and Drug Administration ang 20 tindahan sa palengke ng Pasig na nagbebenta ng hindi rehistradong katol.

Umabot sa nasa 1,000 kahon ng mga katol na ang brand ay Wawang, Baoma at Gold Deer ang kinumpiska ng mga otoridad.

Ayon kay NCRPO Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, humingi ng tulong sa kanila ang FDA para maipatupad ang search warrant sa mga tindahan dahil ang mga nabanggit na katol na kanilang ibinebenta ay hindi rehistrado sa ahensya kaya hindi ito sumailalim sa pagsusuri.

Sinabi ni Eleazar na dahil hindi nasuri ng FDA ay mayroon itong banta sa kalusugan ng publiko.

Ayon naman kay Atty. Guillermo Danipog Jr. ng FDA Regulatory Enforcement Unit, mayroong findings na hazardous sa kalusugan ang nasabing mga katol.

Sa kabuuan tinatayang aabot sa P60,000 ang halaga ng mga nasabat na produkto.

Read more...