Cardinal Tagle nanawagang maging mahinahon sa naging pahayag ni Pangulong Duterte

Sa harap ng kontrobersiyang nilikha ng mapang-insultong pahayag na binitiwan ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa Panginoon, nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga Katoliko na maging mahinahon.

Si Tagle ay nasa Geneva, Switzerland at dumadalo sa UN Conference on Migrants and Refugees na inorganisa ng Pope Francis Caritas Internationalis, World Council of Churches at iba pang grupo.

Sa kanyang dalawang pahinang liham para sa mga pari ng Manila Archdiocese, umapela si Tagle na sila ay maging kalmado.

Ayon kay Tagle, binibigyang diin ng Vatican na dapat igalang ng mga Katoliko ang mga hindi nila kaisa sa pananampalataya, pati na ang mga hindi naniniwala sa Panginoon.

Aniya, ang relihiyon ay hindi dapat ginagamit para mag-udyok ng hidwaan kundi para magsulong ng unawaan at kapayapaan.

Ang pagkwestiyon umano sa Panginoon at sa Kanyang mga gawa ay hindi na bago at katunayan, naging sentro na ito ng mga pag-aaral, pagninilay-nilay at paglilinaw ng doktrina.

Pero bilang positibong hakbang, hinihimok ng Cardinal na muling balikan ang nasabing isyu at maglatag ng akma at sensitibong tugon.

Read more...