EO62 ni dating Pangulong Cory Aquino muling ipatutupad ng Malacañan
Bubuhaying muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Excutive Order No. 62 na inisyu noon ni Pangulong Corazon Aquino na nagtatatag ng National Ecumenical Council.
Pahayag ito ng Palasyo sa gitna ng tumitinding palitan ng maanghang na salita sa pagitan ni Pangulong Duterte at ng Simbahang Katolika.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang EO62 ang magsisilbing mekanismo para sa patuloy na dayalogo sa pagitan ng gobyerno at Simbahan.
Ayon kay Roque naging epektibo ang EO62 sa nakalipas na apat o limang presidente.
Nabatid na si Bishop Efraim Tendero na secretary general ng World Evangelical Alliance ang dating namumuno sa National Ecumenical Council.
“Pero ang napagkasunduan nga pala po eh mayroon pala pong EO62 na in-issue si dating Presidente Cory Aquino na nagtatayo ng isang National Ecumenical Council ‘no, ito po iyong mekanismo para sa patuloy na dayalogo sa panig ng gobyerno at estado; at bubuhayin po natin iyang mekanismo na iyan ‘no dahil until today hindi naman po natin alam na may ganiyan. Si Bishop Tendero po ang dating namumuno ng PCEC, na namuno po siya at nagkaroon tayo ng apat o limang presidente at nagsabi tungkol dito sa mekanismong ito,” paliwanag ni Roque.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.