Inanunsyo ng Manila Cathedral na ilalabas ngayong araw para sa selebrasyon ng Archdiocesan Pope’s Day ang mga relics ng dalawang santo na dati ring mga Santo Papa.
Bubuksan para sa public veneration ang relics nina St. John XXIII at St. John Paul the II matapos ang misa na pangungunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Caccia ganap na ika-6 ng gabi.
Ayon sa advisory ng Manila Cathedral, ito ang kauna-unahang pagkakataon na ilalabas para sa public veneration ang bone relic ni St. John XXIII.
Ibinigay ang naturang relic ng Vatican bilang pagpupugay sa ika-60 na anibersaryo ng muling pagkakatayo ng Manila Cathedral matapos ang giyera.
Si St. John XXIII kasi ang Santo Papa sa panahong muling itinatayo ang Manila Cathedral noong 1958.
Samantala, muling bibigyan ng pagkakataon ang publiko na ma-venerate ang Blood Relic ni St. John Paul II na nauna nang inilabas noong Abril.